Air and simple gifts

(Some personal observations by a Filipino on the Inaugural of Barack H. Obama as 44th President of the USA, written in Filipino)

“On this day, we gather because we have chosen hope over fear, unity of purpose over conflict and discord” – Pres. Barack Obama, Inaugural Speech

Sa mga sandaling ito, katatapos lamang ni Barack Obama na manumpa bilang ika-44 na Presidente ng Amerika.  Sa kaniyang talumpati, binigyan niya ng pugay ang katatagan ng kanilang kasaysayan at kaniya ring pinasalamatan si George W. Bush. Kinilala niya ang mga kalagayan ng panahon – ang krisis, ang giyera – kinilala niya rin ang kakayahan ng mga Amerikano na magtagumpay at pagtagumpayan ang mga kalagayang ito. “Let us begin to rework America,” sabi niya. Marami siyang pinangako, para sa kaniyang mga kababayan pati na sa iba pang bayan sa mundo, sa mga kakampi at kaaway nito.

Hindi matanggal sa aking isipan, habang isinasagawa ang buong palatuntunan, na parang isang religious ceremony ang nagaganap. Parang isang misa ng mga Katoliko, hindi lang dahil sa mga dasal, mga awit at mga pagpugay sa mga biyaya ng Maykapal, kundi dahil sa paraan at istruktura ng programa. Sagrado, maseremonya.

Namamangha ako sa mga tradisyong pulitikal ng Amerika. Mula sa parada ng Executive convoy, sa pila ng mga rayadillo ng Marines, sa pagpapakilala sa kabuuan ng kanilang pamahalaan sa harap ng 2 milyong nakatayo sa harap ng Kapitolyo, sa pagtugtog ng “Hail to the Chief” tuwing ipapakilala ang pagdating ng presidente, hanggang sa paghatid ng bagong presidente sa dating presidente sa sasakyan nito paalis sa Kapitolyo.

Sa ganitong mga pagkakataon nakabibilib ang kung paano itinataguyod ng Amerika ang kaniyang mga institusyon; kitang-kita sa telebisyon ang mga pruweba ng mahabang kasaysayan ng demokrasya sa bayang tinitingala bilang haligi ng malayang lipunan sa buong mundo.

Kung ang inagurasyon lang ang batayan, hindi ko mapigilang magtaka at isipin kung anong uri ng pamumuno magiging ang pamamahala ni Obama. Noong panahon ng kampanya, isa sa mga puna ng Republicans kay Obama ay ang “superstar” status nito, na inihalintulad kina Britney at iba pang celebrity. Bumalik ito sa aking isipan nang makita ko ang dami ng taong nanood ng concerts ilang araw bago ang inagurasyon. Naisip ko rin ito muli nang umawit si Aretha Franklin; nang tumugtog sina Itzhak Perlman at Yo-Yo Ma ng isang tugtugin na sinulat ng tanyag na Hollywood composer na si John Williams (“Air and Simple Gifts”); hanggang sa pakinggan ko ang kaniyang talumpati na pinakinggan ng marami sa lahat ng sulok ng daigdig. Parang piyesta sa buong mundo.

Sa kaniyang commentary, sinulat ni Amando Doronila ng Philippine Daily Inquirer noong bisperas ng inagurasyon ni Obama na hindi magiging madali ang relasyong Pilipinas-Amerika (“Shaky RP-US Ties Ahead,” basahin dito). Hindi maikakaila ang pagsang-ayon ng pamahalaang Arroyo sa pamahalaan ni Bush sa mga nakaraang taon. Sang-ayon ako sa obserbasyong ito, pero mayroon akong idadagdag.

Sa kabuuan, isa pa ring bansang Katoliko ang Pilipinas, at sa matagal na kasaysayan ng pamamahala dito, konserbatibong pananaw at libertarian na pamamahala na hindi lalayo sa mga ideolohiya ng Republican Party ang nananaig sa kultura’t batas ng Pilipinas.

Pero hindi iyon ang sakit ng bayan namin.

Sa mapayapang pagpapalit ng pamunuan ng Amerika, matibay nitong ipinapakita may coninuity of leadership na nangyayari kahit na magkaibang political party ang nagpapalit sa presidensiya, kahit hindi na popular si Bush at rock star naman si Obama. Na matibay ang kanilang mga institusyon, at tutoo ang “peaceful transition of power.”

Dito sa Pilipinas, ang lahat ng bagay ay “co-terminus.” Pag nagpalit ng liderato, patalbugan sa proyekto, magmula Barangay Captain.

Karaniwan ang inagurasyon dito ay sa Liwasang Bonifacio. Si Erap sa Barasoain Church. Si Gloria (kung “inagurasyon” man iyong masasambit), sa Esda Shrine. Walang parada papuntang Malakanyang, hindi ko alam kung bakit. Walang “Hail to the Chief.”

Humahanga ako sa tatag ng mga demokratikong institusyon ng Amerika. Hinahangaan ko ang pagkakahalal ni Barack Obama.

Sana sa susunod na inagurasyon sa Pilipinas, may parada na. Kungdi sa 2010, sa 2016. O sa 2022.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s