REVIEW – Captain Phillips (in Filipino)

Antay-piracy
Review ni Vives Anunciacion
Published October 14, 2013
Inquirer Libre

Captain Phillips
Directed by Paul Greengrass
PG 13
Based on the book: A Captain’s Duty: Somali Pirates, Navy SEALS, and Dangerous Days at Sea by Richard Phillips & Stephen Talty

Sneak peeks October 14 & 15
Regular release October 23

Paging Philippine authorities: marapat na makapanood ang marami ng Captain Phillips para magkaroon pa tayo nang karagdagang pag-unawa kung gaano kahalagang bantayan ang karagatan natin. Kung pwede mga lima pang frigates gaya ng BRP Gregorio del Pilar at Ramon Alcaraz.

Noong 2009, apat na patpating Somali pirates ang nang-hijack ng US cargo ship Maersk Alabama sa karagatan ng Somalia. Gamit ang lifeboat ng barko, kinidnap ng mga pirata ang kapitan ng Alabama na si Richard Phillips (napakahusay na ginampanan ni two-time Oscar best actor Tom Hanks) at ang natitirang kalahati ng pelikula ay ang exciting na paraan kung paano siya na-rescue ng US Navy SEALS.

Hindi masasabing spoiler ang review na ito dahil ang pelikula ay batay sa aklat ng tutoong Captain Phillips (nabuhay po siya siyempre.) May mga embellishment lang o pagpapaganda sa pangyayari para mas dramatic ang dating. Ayon sa ilang panayam, sinabi ng tutoong Captain Phillips na may kaunting kalayuan ang pangyayari sa tutoong buhay dahil mas malubha pa raw ang nangyari at kailan man wala siyang naging simpatya sa mga kidnapper. Sa ngayon, may nakabinbing kaso laban sa mga gumawa ng pelikulang ito mula sa tutoong crew ng Maersk Alabama.

Mula ito sa sikat na direktor ng Bourne Supremacy at United 93 kaya hindi matatawaran ang husay ng pagkakabuo ng pelikulang Captain Phillips. Mula pa lang sa pag-alis ng kapitan sa kaniyang tahimik na tahanan hanggang sa habulin ang barko nila ng mga pirata and finally hanggang sa dumating ang mga Navy SEALS, mahusay naman na natahi ng pelikula ang mga personal moments ng kapitan at ng Somali pirate leader na Muse (Barkhad Abdi) at ang lawak (scale) ng pangyayari lalu na nang magdatingan ang mga higanteng barko para sa rescue ni Phillips.

Marapat na kung ma-nominate si Hanks sa kanyang performance dito ay ma-nominate din ang baguhang aktor na Abdi na isang taxi driver nang mapadpad sa open casting call ng pelikula dahil ang kabuuan nito ay ang relasyon nina Phillips at Muse kung saan naipapakikita ang pagkakaiba ng pananaw ng mga mayayamang bansa (kadalasan nasa Northern Hemisphere) at ng mga mahihirap gaya ng Somalia. Paano nga naman tatanggapin ng mga kagaya ni Muse ang tulong ng Amerika sa kanyang bansa kung ang mga banyaga rin naman ang umuubos ng mga isda sa karagatan nila.

Pero hindi ko masyadong nagustuhan ang huling kalahati ng pelikula dahil binibida nanaman dito ang superiority ng US military complex, gaya ng ginawa ng Zero Dark Thirty nang lusubin ng mga Kano ang kuta ni Bin Laden. Oo, napaka-exciting nitong bahaging ito ng pelikula. Mahusay. Papalakpakan mo ang galing ng US Navy rito kung paano nila i-conduct ang ganitong rescue mission. Pero ano ba ang laban ng apat na patpating Somalian sa mga higanteng barko ng Amerika? Para na rin nilang sinabi na kaya nilang gawin ito sa kahit na anong maliit na bansa.

Kung kaya’t balikan natin ang una kong talata, yaman rin lang na may isa tayong dambuhalang kapitbahay na nangingialam din sa ating mga karagatan: bili pa tayo ng maraming war ship. Hindi ito biro.

Advertisements

2 thoughts on “REVIEW – Captain Phillips (in Filipino)

  1. Hindi ko maintindihan bakit hindi mo nagustuhan ang huling part. Anong laban ng apat na patpating Somali pirates sa malakas na US Navy? Syempre wala. Yung point lang naman dyan eh wag kang gagawa ng katarantaduhan na hindi mo kayang lusutan. At yun ang mali ng Somali pirates. Binigyan na nga ng 30,000$ ayaw nila. Gusto million talaga. Sa tingin mo kung hindi ka magpapakita ng pangil eh rerespetuhin ka? Sa kaso ng pamimirata sa Africa. Kung hindi seryosohin ng US ang mga ganitong sitwasyon. Mas dadami pa ang mga pirata. Kung palalampasin ng USA o kahit anong bansa ang mga pirata at intindihin na ginagawa lang naman nila ito para kumita ng pera. Eh di para mo na rin inencourage na ipagpatuloy nila ang pamimirata. Kung nangyari yan dito sa pinas ano sa tingin mo ang kahihinatnan? Malamang katulad lang sa Hostage Taking ng isang bus kung saan namatay halos lahat ng mga hostage. At sasabihin mo naman. Inutil na gobyerno.

    • Naiintindihan ko ang punto mo at sumasang-ayon sa ilan.
      Ang tanong na itinutukoy ko kung bakit ko sinabing “para na rin nilang sinabi na kaya nilang gawin ito sa kahit na anong maliit na bansa:
      Kailan pa naging pulis ng mundo ang Amerika?
      sabi mo, “Kung palalampasin ng USA o ng kahit na anong bansa ang mga pirata at intindihin na ginagawa lang naman nila ito para kumita ng pera.”
      Wala akong sinasabing palampasin nila ito. sa katunayan, basahin mo ulit ang una at huli kong talata: seryoso akong nagmumungkahi na bumili pa ang Pilipinas ng karagdagang kabarkuhan – BECAUSE i recognize the reality of piracy within and outside our shores.
      Pero ang pamumulis at pagtatanggol ng ating karagatan ay ATING PANGUNAHING responsibilidad. Saka na tumulong ang kung sinong bansang gustong tumulong.

      Sa uulitin, ang punto ng sinabi ko ay:
      Hindi pulis pangkalawakan ang Amerika. At ayon sa paglalahad ng kwento, they encroached on Somali sea. Hindi tanong ang kakayahan ng Amerika na gamitin ang lakas nila para ma-retrieve ang kanilang citizen.
      Ang tanong ay BAKIT – alalahanin mo na pelikula ito, at ayon sa mga nasa barko, hindi naman daw ganun ka high-tech at ganun karaming Navy ang dumating. An exaggeration TO DRAMATIZE.

      Sa huli, iminumungkahi kong subukan mong basahin ang mga literatura tungkol sa HOLLYWOOD MILITARY COMPLEX, at kung paano ginagamit ng Pentagon ang mga palabas simula bago mag WOrld War II para pabanguhin ang US Military sa mata ng mundo.

      Salamat sa comment at pagbasa ng maiksi kong review 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s