REVIEW – The Hangover Part III (in Filipino)

Pera-perahan lang
Rebyu ni Vives Anunciacion
unpublished

The Hangover Part III
Directed by Todd Phillips
R13

Ang The Hangover Part III ay isa sa mga halimbawa kung bakit naglalabas ng pelikula ang Hollywood linggu-linggo, lalu na kung bakit uso ang mga trilogy kahit hindi superhero movie. Hindi bale kung may saysay ito, hindi bale kung maganda ito, hindi bale kung dapat pa itong ginawa. Dahil kumita yung unang dalawang palabas, gawa pa ng isa. At isa pa kung kikita pa ito ulit, sinong may sabi na huli ito sa serye. Kung ayaw na ng mga artista, eh di gawan ng spin-off. Basta kumita na ito, ok na sila.

Di tulad nung ikalawang The Hangover kung saan ginaya lang nito ang mga sitwasyon sa una at hinaluan lang ng mga insulto sa mga Asyano, ang Part III ay naka-sentro sa kawalan ng konsensiya ni Alan (Zach Galifianakis) na nagdadala lagi sa barkada nito sa kapahamakan. Susubukan nina Phil (Bradley Cooper), Stu (Ed Helms) at Doug (Justin Bartha) na dalhin si Alan sa isang institusyong makatutulong sa kaniya, pero mauunsyami ito sa pagbalik ni Mr. Chow (Ken Jeong) sa Amerika matapos itong tumakas sa kulungan sa Thailand. Hindi nakapagtataka na ang pagbalik ni Chow sa Amerika ay muling magdudulot ng kaguluhan at kapahamakan sa Wolf Pack na matatapos sa pook kung saan nagsimula ang lahat – sa Las Vegas.

Hindi nakatutuwa ang pelikulang ito kumpara sa unang “adventure” ng barkada, pero at least mas straightforward ang kwento nito at halos walang racial slur kumpara sa ikalawa. Yun lang nakakatamad itong panoorin, parang lumang episode ng Palibhasa Lalake na hindi na nakakatuwa sa panahon ngayon. Para silang walang gana lahat (klaro ito kay Cooper, makatanggap ba naman siya ng Oscar nomination sa Silver Linings Playbook, contractual obligation na lang siguro kung bakit kailangan niya pang lumabas sa ganitong uri ng komedya.)

Hindi ko maintindihan ang pagkatao ni Alan. Marahil may kapansanan siya – mayroong medical condition kung saan ang isang tao ay hindi nakaka-produce ng kemikal sa utak para makaramdam siya ng konsensiya sa kapwa. Hindi ko masabi kung mahusay ang pagkakaganap ni Galifianakis dito dahil wala pa akong nakikilalang tao na ubod nang walang konsensiya. Hindi ko maintindihan ang konsepto o mensahe ng direktor patungkol sa karakter ni Alan, lalu na ang hayaan ng barkada nito na maging ganun siya sa matagal na panahon. Sa mundo ng The Hangover, walang namumunong moralidad – hapi-hapi lang palagi parang mga nagbibinatang walang obligasyon sa buhay.

Komedya ba kamo, wag seryosohin? Tama. Huwag seryosohin ang pelikulang ito. Kung manood ka nito at natawa ka, eh di okay. Pera mo naman yang pinambayad sa tiket.

Nga pala, yung eksena (stinger) sa credits ay higit na nakatatawa sa pinagsamang kabuuan ng Part II at Part III.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s