REVIEWS – Carrie; Cloudy With A Chance of Meatballs 2 (in Filipino)

Leftovers
Reviews by Vives Anunciacion

Walang masama sa tira-tirang putahe (leftovers) lalu na kung makakatipid ka rito. Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit maraming movie remakes at sequels – bukod sa bayad na ang lisensya sa titulo (mapa-pelikula man o awit,) pamilyar na rito ang mga titikim. Yun lang, alam natin na nakakasawa ang paulit-ulit.

Carrie
Directed by Kimberly Peirce
Based on the novel by Stephen King
Rated R13

1976 nang unang isapelikula ang unang nobela ni master of horror Stephen King na Carrie ni direktor Brian De Palma. Manganda yun, nakakatakot. Nagkaroon na iyon ng TV movie (2002), stage musical at sequel (The Rage: Carrie 2, 1999). Pero itong bagong Carrie is not your mother’s Carrie.

Kwento ito ng nagdadalagang si Carrie White (Chlöe Grace Moretz,) na maghihiganti sa lahat ng umabuso sa kaniya gamit ang kadidiskubre niyang telekinetic powers. Damay-damay na ang lahat sa kanyang madugong poot, kabilang na ang kanyang extremely religious at abusive na inang Margaret (Julianne Moore) at ang buong paaralang kumukutya at pinapagtripan siya araw-araw.

Ang orihinal nito ay isa sa mga naunang pelikulang tumalakay sa pinagdaraanan ng mga batang naabuso ng bullying. Tungkol din ito sa kung paano nag-aadjust ang isang nagdadalaga sa kanyang nagbabagong katawan.

Bawas na ang mga temang ito sa bagong Carrie pero hindi ibig sabihin na wala na ang mga mensahe nito laban sa child abuse, peer pressure at school bullying.

Mahusay na sana itong matatawag bilang update sa original. Yun nga lang ay halos kaparehas lang ito ng original, sabihin na nating nadagdagan lang ito ng cellphones, laptop, YouTube videos at makabagong special effects. Mahirap na kasing mahigitan pa ang performance ni Sissy Spacek bilang original na Carrie at katakut-takot na na spoof, remake at reference sa madugong Prom scene ang nakita na ng marami sa mga nagdaan na panahon. Kung hindi ako nagkakamali, may ganito ring eksena sa isang lokal na pelikula tungkol sa manananggal. Sabihin na rin nating male, sci-fi version yung nakaraang Chonicle kung saan galing naman sa isang meteor ang powers ng magkakaibigang binata.

Malayo man ito sa terrifying na orihinal, hindi naman ito masasabing masagwa. Mahusay si Moore bilang misguided na ina, at mapagtityagaan ang pagganap ni Moretz bilang Carrie. Di niya lang carry ang maging kasing-Carrie ni Spacek. Kung nakagigimbal yung una, itong bago ay oks lang.

Cloudy With A Chance of Meatballs 2
Directed by Cody Cameron, Kris Pearn
Rated G

Nagbabalik din para sa second serving si Flint Lockwood (Bill Hader) para sa patuloy na pakikipaglaban sa kaniyang food-making invention sa Cloudy With A Chance of Meatballs 2.

Kukunin si Flint (Bill Hader), ang ating hyper na bida mula sa unang Cloudy, ng kompanyang Live Corp. upang mag-imbento ng mga bagay na makatutulong sa mundo. Ngunit kailangan niyang magbalik sa isla ng Swallow Falls upang ma-deactivate ang inimbento niyang food machine na ngayo’y naglalabas ng mga food-animal combinations. Lingid sa kanyang kaalaman, may maitim na balak ang kanyang idolo at may-ari ng Live Corp. na si Chester V (Will Forte) kung bakit pinabalik nito si Flint sa isla.

Kung ang unang Cloudy ay nakuha pa ang sense of wonder at excitement ng isang imbentor na nais makagawa ng maganda para sa kapwa sa kanila nang pagiging outcast nito sa lipunan, walang ganito sa sequel. Derecho adventure lang ito na parang Jurassic Park na puro buhay na pagkain. Korni ng kwento nito tungkol sa corporate espionage na hindi naman talaga topic na pambata.

Sayang lang dahil di hamak na mas mahusay at detalyado ang animation nito kaysa sa una. Nasobrahan lang ata sa idea ng mga food puns at running jokes (“There’s a leek in the boat!”) at nawala na ang naunang tema nito tungkol sa pagtanggap (embrace) sa ating inner-Nerd.

REVIEW – Captain Phillips (in Filipino)

Antay-piracy
Review ni Vives Anunciacion
Published October 14, 2013
Inquirer Libre

Captain Phillips
Directed by Paul Greengrass
PG 13
Based on the book: A Captain’s Duty: Somali Pirates, Navy SEALS, and Dangerous Days at Sea by Richard Phillips & Stephen Talty

Sneak peeks October 14 & 15
Regular release October 23

Paging Philippine authorities: marapat na makapanood ang marami ng Captain Phillips para magkaroon pa tayo nang karagdagang pag-unawa kung gaano kahalagang bantayan ang karagatan natin. Kung pwede mga lima pang frigates gaya ng BRP Gregorio del Pilar at Ramon Alcaraz.

Noong 2009, apat na patpating Somali pirates ang nang-hijack ng US cargo ship Maersk Alabama sa karagatan ng Somalia. Gamit ang lifeboat ng barko, kinidnap ng mga pirata ang kapitan ng Alabama na si Richard Phillips (napakahusay na ginampanan ni two-time Oscar best actor Tom Hanks) at ang natitirang kalahati ng pelikula ay ang exciting na paraan kung paano siya na-rescue ng US Navy SEALS.

Hindi masasabing spoiler ang review na ito dahil ang pelikula ay batay sa aklat ng tutoong Captain Phillips (nabuhay po siya siyempre.) May mga embellishment lang o pagpapaganda sa pangyayari para mas dramatic ang dating. Ayon sa ilang panayam, sinabi ng tutoong Captain Phillips na may kaunting kalayuan ang pangyayari sa tutoong buhay dahil mas malubha pa raw ang nangyari at kailan man wala siyang naging simpatya sa mga kidnapper. Sa ngayon, may nakabinbing kaso laban sa mga gumawa ng pelikulang ito mula sa tutoong crew ng Maersk Alabama.

Mula ito sa sikat na direktor ng Bourne Supremacy at United 93 kaya hindi matatawaran ang husay ng pagkakabuo ng pelikulang Captain Phillips. Mula pa lang sa pag-alis ng kapitan sa kaniyang tahimik na tahanan hanggang sa habulin ang barko nila ng mga pirata and finally hanggang sa dumating ang mga Navy SEALS, mahusay naman na natahi ng pelikula ang mga personal moments ng kapitan at ng Somali pirate leader na Muse (Barkhad Abdi) at ang lawak (scale) ng pangyayari lalu na nang magdatingan ang mga higanteng barko para sa rescue ni Phillips.

Marapat na kung ma-nominate si Hanks sa kanyang performance dito ay ma-nominate din ang baguhang aktor na Abdi na isang taxi driver nang mapadpad sa open casting call ng pelikula dahil ang kabuuan nito ay ang relasyon nina Phillips at Muse kung saan naipapakikita ang pagkakaiba ng pananaw ng mga mayayamang bansa (kadalasan nasa Northern Hemisphere) at ng mga mahihirap gaya ng Somalia. Paano nga naman tatanggapin ng mga kagaya ni Muse ang tulong ng Amerika sa kanyang bansa kung ang mga banyaga rin naman ang umuubos ng mga isda sa karagatan nila.

Pero hindi ko masyadong nagustuhan ang huling kalahati ng pelikula dahil binibida nanaman dito ang superiority ng US military complex, gaya ng ginawa ng Zero Dark Thirty nang lusubin ng mga Kano ang kuta ni Bin Laden. Oo, napaka-exciting nitong bahaging ito ng pelikula. Mahusay. Papalakpakan mo ang galing ng US Navy rito kung paano nila i-conduct ang ganitong rescue mission. Pero ano ba ang laban ng apat na patpating Somalian sa mga higanteng barko ng Amerika? Para na rin nilang sinabi na kaya nilang gawin ito sa kahit na anong maliit na bansa.

Kung kaya’t balikan natin ang una kong talata, yaman rin lang na may isa tayong dambuhalang kapitbahay na nangingialam din sa ating mga karagatan: bili pa tayo ng maraming war ship. Hindi ito biro.

REVIEW – Metro Manila (in Filipino)

MMDA – Metro Manilang Di Atin
Review ni Vives Anunciacion
Published October 8, 2013
Inquirer Libre

Metro Manila
Directed by Sean Ellis

Kalahati nitong pelikula – yung papuntang ending – isang mahusay at nakaka-tense na crime thriller. Yung naunang kalahati ng pelikulang Metro Manila ng British director na Sean Ellis ay isang maka-Kanlurang pananaw sa mga mahihirap. Sana wala na lang yung unang bahagi.

Purong Tagalog ang pelikula. Hindi mo aakalaing British production ito. Sa ganang iyan, malaking bahagi ang ginawa ng mga aktor dahil ayon sa kanila’y sila na kadalasan ang nagsasalin sa Filipino.

Tungkol ito kay Oscar (theater actor Jake Macapagal) at ang kanyang pamilya na nakipagsapalaran sa MetroManila nang mapilitang lisanin ang inuupahang karampot na palayan sa Benguet. Sa kabila ng sunud-sunod na kamalasan sa kamay ng mga halang ang kaluluwa sa Metro Manila, nakapasok sa isang armored van security agency si Oscar. Pero ang akalain niyang swerteng trabaho ay siyang magtutulak sa kanya sa kapahamakan.

Gaya ng nabanggit ko, yung ikalawang bahagi ng Metro Manila ang maganda. Yung naging crime thriller ito simula nang makapasok si Oscar sa security agency, lalu na sa paglitaw ni Ong (John Arcilla) na siyang nagturo kay Oscar ng mga kalakaran sa pagdala ng pera, alahas at kung anuano pang mahahalagang bagay na pag-aari ng ibang tao.

Mahusay si Arcilla dito, kinakain niya ng buo ang baguhang Macapagal sa mga eksena nila. Halata na hindi pa sanay ang theater actor sa pag-arte sa pelikula. Pero hindi naman masagwa, dahil marunong naman si Jake umarte. Medyo di lang bagay sa big screen, wala pang presence.

Yung naunang bahagi ng pelikula ay tungkol sa isang mahirap na Katolikong Ifugao na pamilya na nakipagsapalaran sa Maynila. Take note: Ifugao sila, pero Katoliko, at ang pelikula ay tinatawag na Metro Manila ay hindi isang lungsod lang sa Metro.

Ang nawawala sa pelikula ni Ellis ay ang kulturang partikular sa isang lugar kung sana ay naglaan sila ng panahon na manaliksik.

Sa pelikula pinagmukha silang mangmang sa kalunsuran, hindi pa nakakakita ng ilaw sa gabi. Sa pagkaalam ko matatalino at edukado ang mga Ifugao.

Ni hindi nga ispesipikong tungkol sa Metro Manila ang pelikula. Maaaring Metro Manila nga ang nakikita natin, pero hindi iyon ang ating mararamdaman bilang mga taga-Metro Manila. May eksenang nakaharap sila sa Manila Penisula sa Makati, at nang tumalikod ay nasa Tomas Morato na sila. Same scene, hindi jump cut. Bakit pa itong tinawag na Metro Manila kung wala namang partikular na uniqueness sa kabuuan ng kwento? Kung Baguio ang pelikula ganun din ang kalalabasan.

Maraming pwedeng topic kung Metro Manila ang usapan. Monumento. Mga sinehan sa Cubao. Mga transvestite sa Makati Avenue na sana ay nakita nila nung nasa harap sila ng Manila Pen. Pakiwari ko’y sinulat ang pelikula na Mexican city ang nasa isip ng direktor, at saka na lang pinalitan ng location nang napadpad na sila dito sa Pilipinas. At yung eksenang tinapay ang binayad kay Oscar pagkatapos ng isang araw na trabaho sa construction? Sa Mexico nangyayari yan. Kung nangyari yan dito, kinuyog na ng mga trabahador yung foreman. Matagal na nating alam na “credit is good, but we need cash.” Kung tutoong nakialam ang writer at direktor nito sa kultura natin, hindi ganoon ang magiging eksena.

Batid kong ito ang ang British submission sa US Academy Awards para sa Foreign Language category. May posibilidad na ma-nominate ito. Pero iyon ay dahil Amerikano ang nanonood at kanluranin din ang punto de bista sa kwento ni Oscar. Malay nila kung tunay na Metro Manila ang napapanood nila.